Mga Kategoryang Archives: Uncategorized

21-1024 Si Cristo Ay Nahahayag Sa Kanyang Sariling Salita

MENSAHE: 65-0822M Si Cristo Ay Nahahayag Sa Kanyang Sariling Salita

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Nobyang Binigyang-Buhay,

Wala na ngang mas ikagagalak pa, o mas ikasasapat pa ang ating buhay. Walang katulad nito na kamit natin ang Pagbibigay-Buhay sa pamamagitan ng Kapahayagan. Gumugulo na ang sanlibutan. Ang mga tao’y ganap nang nawawala sa sarili nilang katinuan. Nasasaksihan natin ang mga bagay na di pa natin naririnig sa buong buhay natin na nangyayari mismo sa harap ng ating paningin.

Bawat Mensahe na napapakinggan natin ay ganap na napapanahon at sadyang ang kailangan nating mapakinggan. Ito’y Espirituwal na Pagkaing Napapanahon. May kasapatan tayo na Ito’y hindi hinuha ng isang tao, hindi rin Ito mga Salita ng isang tao, Ito’y mga Salita ng Diyos na nangungusap sa pamamagitan ng isang Tao, na tinatawag palabas ang Kanyang Nobya.

Masasabi natin sa kaibuturan ng ating puso:

•        Itong Mensahe ay Ganito Ang Sabi Ng Panginoon.

•        Ito ang inilaang daan ng Diyos para sa panahon ngayon.

•        Hindi Nito kailangan ng anumang interpretasyon.

•        Ito’y ang mga Salita na hindi maaaring magkamali.

Naging katangi-tanging bahagi ng buhay ko ang pakikinig sa huling serye ng Mensaheng ito. Ninanais ko lamang magbahagi nang sipi-sa-sipi sa bawat isa.  “Napakinggan mo ba ang sipi na ito…Hindi ko pa Ito naririnig nang tulad nun noon…4 na beses ko nang napakinggan ang teyp na ’yun nitong huling mga araw at hindi ko pa kailanman nasasalo ’yun nang tulad ng pagkakasalo ko ngayong araw na ito. Itong Mensaheng ito’y mas kasalukuyan kaysa sa noong ipangaral ito 56 na taon ang nakararaan”.

Wala ngang maipapantay sa lubos na kagalakan na malaman na nakikinig ka sa puro’t pinagtibay na Tinig ng Diyos. Hindi mo kailangang magbantay. Hindi mo kailangang magwari, kung ito ba’y lumilinya sa Salita. Ito ba’y kanya lamang kaisipan o kanyang interpretasyon? Kinakailangan kong ihambing ’yun sa Salita.

Hindi tayo, mauupo lang tayo, nang hindi nag-aalala at magsasabi ng AMEN sa bawat Salita, dahil alam natin na ang lahat ng napapakinggan natin ay GANITO ANG SABI NG PANGINOON.

Wala na ngang mas iinam pa’t mas sisimple roon.

Ako’y matagal nang nananalangin at hinahangad ang Panginoon at Kanyang pinangungunahan ako na magpatuloy sa huling Mensahe na ito na sinalita ng propeta. Alam ko na napakinggan na natin ang kasunod na Mensaheng ito mga ilang buwan pa lang ang nakararaan, pero sa tuwing mapapakinggan natin ito Siya ay naghahayag ng mas marami’t mas marami pa sa atin.

Sa tuwing naiisip ko ang Kanyang Nobya, na nagkakatipon mula sa buong palibot ng mundo, na naghihintay nang may higit na pananabik para simulan ang kanilang Mensahe na pakinggan ang Diyos na nagsasalita sa kanila mula sa mga labi ng Kanyang propeta, ako’y labis na natutuwa. Ano kaya ang ihahayag Niya sa atin sa araw na ito?

May malakihang paggising na nangyayari sa buong mundo. Ang Nobya’y sumisigaw nang malakas, sinasabi: “Nais naming pakinggan ang mga teyp. Nais naming pindutin ang play. Nais naming makiisa kasama ang Nobya sa buong Mundo”.

Tayo’y nagkakaisa’t umuupo nang magkakasama sa presensya ng Anak, nahihinog, naghahanda para sa Pag-agaw. Nais kong anyayahan kayo na mahinog kasama namin nang 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, habang makikinig tayo sa Diyos na nagsasalita sa Kanyang Nobya at ihahatid ang Mensahe, Si Cristo Ay Nahahayag Sa Kanyang Sariling Salita 65-0822M.

Bro. Joseph Branham

Mga Kasulatan na kailangang basahin bago pakinggan ang Mensahe:

Exodo 4:10-12

Isaias 53:1-5

Jeremias 1:4-9

Malakias: 4:5

Sn. Lucas 17:30

Sn. Juan 1:1 / 1:14 / 7:1-3 / 14:12 / 15:24 / 16:13

Mga Taga-Galacia 1:8

2 Timoteo 3:16-17

Mga Hebreo 1:1-3 / 4:12 / 13:8

2 Pedro 1:20-21

Apocalipsis 1:1-3 / 10:1-7 / 22:18-19

21-1017 At Hindi Ito Nalalaman

MENSAHE: 65-0815 At Hindi Ito Nalalaman

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Mga Nagtitipong Agila,

Oh, grabeng sandali, grabeng panahon! Wala nang natitira pa na kailangan gawin. Ang Mga Agila ng Diyos ay nagtitipon sa palibot ng Sariwang Laman. Ang propesiya’y natutupad na. Ni minsan ay hindi Ito pumalya, at hindi Ito papalya, dahil tayo, na itinalaga na noong una para makita Ito, ay nakita Ito.

Mula noong kunin ng Ama ang Kanyang propeta Pauwi, wala ngang tulad nito na ang Kanyang Nobya’y nagkakatipon sa palibot ng Kanyang Tinig gaya ngayon. Pinili Niya ang paraan para ang Kanyang Salita’y dumating, at ’yun ay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, na pauna nang pinagpasyahan at pauna nang itinalaga. At tayo’y may kapunuan, at kumbinsido, na ito’y si Jesus Cristo na inihahayag ang Kanyang Sarili, ipinakikilala ang Kanyang Sarili sa propesiya.

Kung papaano mismo na Kanyang pinangunahan ang mga anak ni Israel sa ilang, sa kanilang paglalakbay, bilang isang tipo ng bayan na tinawag palabas sa panahon ngayon. Heto Siya, sa pamamagitan ng siyentipikong pananaliksik, mangyari na maging sa siyensya’y ipinagkikilanlan Niya ang Kanyang Sarili. At sa pamamagitan ng Kanyang mismong mga gawa at sa pamamagitan ng Kanyang propesiya mismo, ang mga bagay na iprinopesiya ukol sa Kanya na gawin sa panahon na ito, upang ipaging Siyang siya pa rin kahapon, ngayon, at magpakailanman, ay ganap mismo na pinatotohanan. Hindi ba’t sapat na mismo ’yan para pag-alabin ang mga puso natin sa kalooban natin?

Kagaya ng mga alagad noong panahon na ’yun, tayo’y itinalaga sa Buhay. Ang tanging bagay na kailangan na lang nating gawin ay mapagkilanlan ang Kanyang Tinig. At ang Tinig na iyan ay ang mga kaisipan mismo ng Diyos na nahayag. Sinasampalatayanan natin ang lahat ng Ito. Hindi natin kailangang patunayan ang anumang bagay sa pamamagitan ng siyensiya, o magtanong sa kung sinong Saduceo o Fariseo, o sinuman tungkol Dito. Siya ang nagsabi Nito at sinasampalatayanan natin Ito. Pinakikinggan ng Kanyang mga tupa ang Kanyang Tinig, na nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Ang Mensaheng ito ay ang Tinig ng Diyos na nasa teyp. Ito ang buong Kapahayagan ni Jesus Cristo, ang Luma at Bagong Tipan na pinaglakip. Lahat ng mga lihim ay nahayag. Hindi tayo nagdadagdag o nag-aalis man lang mula Rito. Ginagawa natin mismo ang Kanyang iniutos sa atin na gawin, MANATILI SA SALITA.

Hayan na. Ito ’yung panloob na tao. Ang nasa loob na umaayon sa Salita, nananatiling kasama ng Salita, sa kabila ng lahat.

Siya’y nagpropesiya’t sinabi sa atin kung ano ang mangyayari. Ang buong mundo’y mangangapa sa kabaliwan, at lalala at lalala at lalala, hanggang sa sila’y maging sangkumpol ng mga wala sa katinuan.

Kanyang sinabi na ang oras ay malapit na kung kailan makikita natin ang isang bagay na mangyayari, may bagay na magaganap. At lahat ng Mga Mensaheng ito ay paunang pambungad at naglalatag ng pundasyon para sa isang maikli’t, mabilis na Mensahe na yayanig sa lahat ng mga bansa. Naniniwala ako na nakikita na natin ang mga bagay na ito na nangyayari na mismo ngayon.

At alam ko na, matapos akong lumisan sa mundong ito, ang mga teyp na iyan at ang mga aklat na iyan ay magpapatuloy, at malalaman ng marami sa inyo na mga batang musmos, sa mga darating pang araw, na ito ang ganap na Katotohanan, dahil nagsasalita ako sa Pangalan ng Panginoon.

Tayo nga’y makinig at magmatyag nang maigi sa lahat ng detalye ng mga panaginip na sinabi sa atin ng propeta. Haya’t kung papaano nilang nakita siya na nakatayo sa ibabaw ng isang bato na umabot mula sa silangan patungong kanluran, sa isang patusok na hugis na gaya sa isang piramide. Kung papaanong nakasakay siya sa isang kabayo na wala pa silang nakikitang ganoon sa buong buhay nila; isang magiting na puting kabayo, na may puting buhok na nakalaylay.

Kung papaanong may isang puting ulap na bumaba at kinuha siya at dinala siya palayo. Pagkatapos nang ilang saglit ay iniupo siya sa kabisera ng hapag at siya’y puti na gaya ng niyebe. Nakatayo siya roon at nagsalita na may kapamahalaan. Wala ngang humuhula-hula roon. Bawat isa’y naunawaan mismo ang kanyang sinabi.

“Tatahakin ko ang daang ito nang minsan pa!”

Naniniwala ako na nakikita na natin ’yan na nagaganap na ngayon. Ang Mga Mensaheng ito’y tumatahak muli sa daan nang minsan pa. Ang Diyos ay tumatawag sa Kanyang Mga Agila na maglakip-lakip mula sa buong palibot ng mundo. Sila’y nagkakaisa sa palibot ng Kanyang Salita, Kanyang Tinig, sa Mensaheng Ito.

Ang mundo’y hubad, maralita, aba, bulag, at hindi ito nalalaman. Pero ang Nobya’y nadadamitan ng Salita, maluwalhati sa Espiritu, may kagalakan sa Kanyang Biyaya, at nakikita natin at nalalaman natin kung sino tayo: KANYANG NOBYA.

Kanyang sinabi sa atin na yamang nalalaman niya, wala siyang nakikita na anumang sasagabal, sa panahon na ito, ng Pagparito ng Panginoong Jesus, sa labas ng kahandaan ng Kanyang Iglesya.

Mga Agila, ihanda natin ang ating mga sarili. Inaanyayahan ko kayo na makipagtipon kasama namin sa palibot ng Sariwang Laman sa Linggo ng 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, upang makinig sa Tinig ng Diyos para sa ating panahon na inihahanda tayo para sa nalalapit na Pag-agaw habang pinakikinggan natin ang: 65-0815 At Hindi Ito Nalalaman.

Bro. Joseph Branham

Apocalipsis 3:14-19

Mga Taga-Colosas 1:9-20

21-1010 Mga Kaganapang Nilinaw ng Propesiya

MENSAHE: 65-0801E Mga Kaganapang Nilinaw ng Propesiya

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Munting Birhen, Salita, Kawan, Nobya ni Cristo,

Tayo ang Kanyang Nobyang Salita na naghihintay sa ating Nobyong Salita at Kanyang Milenyum na honeymoon. Makikinig lamang tayo sa iisang Tinig. “Nakikilala ng Aking mga Tupa ang Aking Tinig. Ang sa iba’y hindi sila magsisisunod.” Ano ang Kanyang Tinig?

Kapag sinabing tinig ng tao ay ’yung salita ng taong ’yun ang tinutukoy. At ito na nga Ito, ang Biblia, walang kahit anong salita ang dapat idagdag Dito o alisin man mula Rito. Manatili lang kayo mismo sa Tinig na ’yun. “Ang sa iba’y hindi sila magsisisunod,” sa denominasyon nga.

Ang Tinig na ’yun ay ang Kanyang Tinig, na nagsasalita sa teyp sa pamamagitan ng nag-iisang makalangit na interpreter ng Kanyang Salita, ang Kanyang propeta, na si William Marrion Branham. Si Jesus Cristo ito na nagsasalita sa pamamagitan ng mga labi ng tao. Hindi natin alintana ang tungkol sa mga salita ng tao, mga pag-iisip ng tao o interpretasyon ng tao, ang tanging alintana lamang natin ay tungkol sa pinatotohanan na Tinig para sa ating panahon. Ito’y GANITO ANG SABI NG PANGINOON.

Iginagalaw ng Diyos ang mga kamay ng propeta. Iginagalaw ng Diyos ang kanyang mga mata sa mga pangitain. Hindi siya makapagsasabi ng anuman kundi ang nakikita niya. Hindi siya makapagsasalita ng anuman, dahil ang Diyos ay may ganap na kontrol ng kanyang dila, kanyang daliri, bawat laman-loob ng kanyang katawan ay nasa ganap na pagkumpas ng Diyos. Hindi nakapagtataka na sinabi ng Biblia na ang Kanyang mga propeta’y mga diyos; sila’y bahagi ng Diyos! Siya ang Salita ng Diyos na nahayag para sa ating panahon.

Paunang sinasabi ng Bibliang ito, sa pamamagitan ng propesiya, ang araw at panahon na kinabubuhayan natin. Kung ano bang uri ng mga kaganapan ang mangyayari. Paunang sinasabi Nito mismo nang eksakto hanggang sa pinaka letra, at hindi kailanman pumalya sa isa mang kapanahunan. Sila na mga predestinadong makita Ito, ay makikita mismo Ito. Ang Salita nga Ito na lumalakip sa Salita.

Sa bawat kapanahunan, hinahayaan ng tao na ilagay ng mga tao ang kani-kanilang sariling interpretasyon sa Salitang ito, at nagbunsod ’yun na sila’y mabulag sa kaganapan na nangyari. Ganoon din ang nangyari noon sa mga Fariseo at mga Saduceo.

Sinabi nila sa mga tao, “Kami ang pinahiran ng Diyos. Kailangan n’yo kami para sabihin sa inyo kung ano ang sinasabi ng Salita. Kailangan n’yo kami para ibigay namin ang kahulugan Nito para sa inyo.”

Kung papaano nga noon ay gayundin ngayon. Ang nakalilinlang na bahagi’y mga pinahiran sila ng Espiritu Santo. May tawag sila mula sa Diyos para iministeryo ang Salita. Marapat lamang sana na sabihin nila sa mga tao kung ano ang sinabi ng propeta, pero marami sa kanila ang NAGLALAGAY NG KANILANG INTERPRETASYON DITO sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na importansya sa kanilang pagmi-ministeryo kaysa sa mismong Salita ng Diyos.

Pansinin n’yo kung gaano nilang sinisikap na dalhin ang mga tao na magsama-sama sa palibot ng kanilang pagmi-ministeryo, sa palibot ng kanilang interpretasyon ng kung ano raw ang sinabi ng propeta, pero tunay nga na di nila magawa.

Nagtatago sila sa likod at tinatakot ang mga tao para ipangatwiran ang di pagpi-play ng mga teyp sa kanilang simbahan sa pagsasabi, “Ang mga taong ’yun ay nagbibigay ng higit na importansya sa tao at sinasamba na nila ang tao at hindi na si Jesus Cristo. Maka-denominasyon ang makinig ng isang mensahe nang sabay-sabay mula sa isang lugar. Hindi kailanman sinabi ni Kapatid na Branham na mag-play ng mga teyp sa simbahan”, na iniiwasan ang mismong pinaka dahilan, ayaw lang talaga nila mag-play ng teyp sa kanilang mga simbahan. Ang kanilang pagmi-ministeryo, kanilang pang-unawa, ang pagtawag sa kanila, ay mas importante kaysa sa pakikinig sa mga teyp sa simbahan. Hindi man nila tahasang sinasabi, AYAW NAMIN, pero halata ito sa kanilang mga kilos.

Sinumang tunay na totoong ministro, na nag-aangking naniniwala na ito ang tunay na huling-kapanahunang Mensahe, ang Tinig ng Diyos para sa ating panahon, ay hindi kailanman maghahanap ng dahilan para hindi mag-play ng teyp sa kanilang simbahan. SIYASATIN NINYO ANG PAHAYAG NA ‘YAN SA SALITANG NOBYA.

Hindi ko kailanman sinabi na ang lahat ay dapat makinig nang 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, o kung hindi’y hindi kayo Nobya, HINDI KAILANMAN. Hindi ako kailanman sumamba sa isang tao. Si Jesus Cristo ang tumatanggap ng lahat ng luwalhati. Sinasamba ko ang Diyos sa tao gaya ng sinabi NG SALITA na dapat nating gawin. Ganoon na lamang silang nalinlang at bulag. Basahin n’yo lamang ang Mga Kasulatan aking kapatid, nariyan mismo.

ALAM ng diyablo na WALANG ministro, o grupo man ng mga ministro, ang makapag-iisa sa Nobya; ni hindi sila nagkakasundo sa isa’t isa. Katulad mismo ng Methodist, ng Baptist, ng Presbyterian at ng Pentecostal, haya’t papaano nga na isa sa kanila o kombinasyon man nila ang makapag-iisa sa Nobya…talagang HINDI MAAARI.

ANG TANGING BAGAY NA MAKAPG-IISA SA NOBYA AY ANG TINIG NG DIYOS SA TEYP…AT GINAGAWA NA NITO ITO!

Hindi ito gusto ng kaaway, kaya sinusubukan niyang sirain ito, pero imposible ’yung mangyari…LUWALHATI!

Gaya noon, sila sa tuwina, sa dulo ng kapanahunan, sila’y humahantong sa isang kaguluhang dala ng kanilang mga teologo’t mga pari hanggang sa mauwi lagi sa kaguluhan. Sa tuwina’y mali ang kanilang interpretasyon, na ni minsan ay hindi ito nabigo na mamali. At ni minsan ay hindi nabigo ang Salita ng Diyos na tumama. Yun ang pagkakaiba.

May isang paraan lamang para makasigurado, manatili sa Salita, sa Tinig ng Diyos na nasa mga teyp. Basahin n’yo ang Biblia, sasabihin nito sa inyo kung anong mga kaganapan ang mangyayari sa panahon na ito. Sasabihin nito sa inyo ang tungkol sa Kanyang malakas na anghel na paparito sa panahon na ito. Sasabihin nito na manatili kayo sa Tinig na Yaon, manatili sa Kanyang piniling mensahero.

Kung may Aklat sa Biblia na kinamumuhian ni Satanas, ’yun ang aklat ng Apocalipsis. Isinulat ’yun ni Cristo Mismo. Hayan nga na ayon sa espiritu, si Cristo Mismo’y naglagay ng higit na diin sa Kanyang ika-7 anghel.

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian.

Sinabi Mismo ni Cristo na ang buong lupa’y NALIWANAGAN NG KANYANG KALUWALHATIAN. Hindi Niya sina na naliwanagan ng “Aking Kaluwalhatian”. Kung ganoon ayon sa inyong pagkaunawa, inaakusahan n’yo si Cristo Mismo na nagbibigay ng higit na diin sa Kanyang ika-7 anghel na mensahero.

Ang makalupang mensahero na iyon ay ganoon na halos ka pareho kay Cristo Mismo, na muntik na siyang sambahin ni Juan, NANG DALAWANG BESES, pero ang sabi niya, “HUWAG!, ang sambahin mo ay ang Diyos.” Yan mismo ang eksaktong ginagawa natin, sinasamba ang Diyos. Hindi tayo naglalagay ng higit na diin sa tao, ang sinasabi lamang nati’y kung ano ANG SINABI NI CRISTONG SALITA…“ang lupa’y naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian”. Yan ang Nagbibigay-Buhay sa atin sa pamamagitan ng Kapahayagan.

Ang Diyos ang gumagawa ng Sarili Niyang pagpili, sa pamamagitan ng paunang pagtatalaga, pinili ang mga propeta para sa bawat kapanahunan. Pansinin n’yo ito. Inaayos Niya ang kalikasan ng propetang ’yun para umangkop sa kapanahunan na ’yun. Kita n’yo, inaangkop Niya ang istilo nito, kung ano mismo ang ikikilos nito. Inaangkop Niya ito kung ito ba’y edukado o hindi edukado. Inaangkop Niya ang mga kaloob, ang paraan ng pangangaral nito, ang mga kaloob na tataglayin nito. At ang Mensahe para sa partikular na kapanahunan na ’yun, itinalaga na noong una ng Diyos ang partikular na bagay na mangyayari at wala nang iba pang bagay ang maaaring humalili sa lugar nun.

Mag-play kayo ng teyp, alinmang teyp, sa Linggo, walang makahahalili sa lugar Nito. Kung nais n’yong samahan ang Branham Tabernacle habang makikinig sa isang teyp, malugod po kayong tinatanggap at inaanyayahan na samahan kami sa Linggo ng 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, habang pakikinggan namin ang: Ang Mga Pangyayari Ay Ginawang Malinaw Sa Pamamagitan Ng Propesiya 65-0801E.

Bro. Joseph Branham

Mga Kasulatan:

Genesis: 22:17-18

Mga Awit: 16:10 / Kabanata 22 / 35:11 / 41:9

Zacarias 11:12 / 13:7

Isaias: 9:6 / 40: 3-5 / 50:6 / 53:7-12

Malakias: 3:1 / ika-4 na kabanata

Sn. Juan 15:26

Sn. Lucas: 17:30 / 24:12-35

Mga Taga-Roma: 8:5-13

Mga Hebreo: 1:1 / 13:8

Apocalipsis: 1:1-3 / Kabanata 10

21-0919 Ang Mga Pinahiran Sa Huling Panahon

MENSAHE: 65-0725M Ang Mga Pinahiran Sa Huling Panahon

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na  Nobyang Hirang,

Ang dahilan na ang Hinirang, sinabi ni Jesus, ay hindi maililigaw, sapagka’t sila ang Salita na iyan. Sila’y hindi na maaaring maging iba pa. Sila’y wala nang iba pang maaaring dinggin. Sila’y wala nang iba pang nalalaman.

Wala nang hihigit pa sa buhay kundi ang malaman na ang Diyos ay pumili ng Kanyang propeta bago pa itatag ang sanlibutan para bigkasin ang Mga Salitang ito. Pagkatapos, ipinahintulot Niya na ang Kanyang Tinig ay marekord, para tayo, na Kanyang itinalaga na noong una pa na Nobya, ay makababaling pabalik at makapapakinig sa Kanyang Tinig na nairekord at naiimbak, dahil nais Niyan na ating malaman na:

  • Tayo ang Salita.
  • Hindi tayo maililigaw.
  • Hindi na tayo maaaring maging iba pa.
  • Wala na tayong iba pang maaaring dinggin.
  • Wala na tayong iba pang nalalaman.

Alam Niya na kakailanganin natin na mapalakas pa ang ating loob ngayon na di tulad ng iba pang araw sa kasaysayan. Ang mga pakikibaka ay magiging matindi na wala pang ganoon noon. Ang Kanyang Nobya ay susubukin. Pero kung maipapaalala lamang Niya sa Kanyang Nobya kung sino sila, magagawa nilang magalak sa kanilang mga puso yamang nalalaman na sila’y Kanyang mga sintang-iniibig sa Kanyang ganap na Kalooban.

Anuman ang ipukol sa atin ni Satanas, anuman ang pagdaanan natin, ngayon ay nalalaman natin, Siya ay Pumipili Ng Isang Nobya, at tayo ang Nobyang ’yun. Hindi natin Ikinahihiya ang kamit nating Kapahayagan ng Salita. Hindi tayo kailanman Nagsisikap Na Gumawa Ng Paglilingkod Sa Diyos Na Wala Sa Kalooban Ng Diyos. Para sa atin, ito ang Espirituwal Na Pagkain Sa Takdang Panahon. Napagtatanto natin na lilitaw Ang Mga Pinahiran Sa Huling Panahon, pero tayo ay MANANATILI SA SALITA.

Kung inaasam n’yo ang ganito ring kasiguraduhan, halika po kayo’t sumama sa amin sa Linggo ng 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, para pakinggan ang: 65-0725M Ang Mga Pinahiran Sa Huling Panahon.

Bro. Joseph Branham

Sn. Mateo 5:44-45 / 7:21 / 24:15-28

Sn. Lucas 17:30 / 18:1-8

Sn. Juan 14:12

Mga Taga-Efeso 1:5

II Timoteo 3:1-8 

Mga Hebreo 6:1-8 / 11:4

Apocalipsis 10:1-7 / 16:13-14

Malakias 4:5

I Mga Hari 22:1-28

Jeremias: Mga Kabanatang 27 & 28

21-0912 Espirituwal Na Pagkain Sa Takdang Panahon

MENSAHE: 65-0718E Espirituwal Na Pagkain Sa Takdang Panahon

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Mga Tupa ng Kawan ng Diyos,

Noong mga araw na ang ating Panginoong Jesus ay narito sa lupa sa laman, ang sabi ng mga mapagduda’t mga di-mananampalataya sa Kanya:

Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin.

Muli, Siya ay mangungusap sa atin nang payak at sasabihin sa kapwa mga kritiko Niya at Kanyang Nobya, “Ako ay isang tao na nagbuhat mula sa Diyos, ipinadala mula sa Diyos, itinalaga ng Diyos, na kamit ang totoong GANITO ANG SABI NG PANGINOON. Ako’y naglumagak nang matagal sa Kanyang presensya, Ako ay mangungusap sa inyo na Siyang Diyos Mismo.

Nais kong walang pagdududa, at nang kayo ay manampalataya, Ako ang mensahero ng Diyos sa inyo. Ang Mensahe na Aking sinasalita, at ang mensahero, ay siya ring parehong bagay. Kami ay Isa’t ang siya rin. Ipinadala Niya ako sa inyo na inire-representa ang GANITO ANG SABI NG PANGINOON, Salita sa Salita.

Alalahanin n’yo, sinasabi ng Salita ng Diyos na Siya ay walang gagawin na anumang bagay hanggang sa ihayag Niya ito unang-una sa akin. Gustung-gusto ng tao na ilagay ang sarili nilang interpretasyon sa bagay na sinasabi ko, pero ang Mga Salita na sinasabi ko sa inyo ay hindi nangangailangan ng interpretasyon. Sasabihin n’yo LAMANG ang bagay na sinasabi ko.

Nais ko ring malaman n’yo na ang siya ring Salita na sinasabi ko sa inyo, ay nananahan din sa atin. Kamit n’yo ang kapamahalaan ng buhay na Diyos sa inyo. Kayo ang nabubuhay na Iglesyang Nobya.

Bago ako umalis, pero bago magsimula ang tagtuyot, ang Diyos ay naglaan sa inyo ng isang lihim na dako na mapagkukublian n’yo bago tumama ang kahatulan sa lupa. Paroroon kayo, na kinakain itong natatagong Pagkain na iiwan Niya sa inyo. Mamumuhay kayo sa kabutihan at kaawaan ng Kapahayagan ni Jesus Cristo habang pinapatotohanan Niya ang Kanyang Sarili sa inyo araw-araw.

Para sa inyo, Ito ay magiging espirituwal na napapanahong Pagkain. Pasasakitin Nito ang tiyan ng iba. Ito’y magiging kalabisan para sa kanila. Pero para sa inyo, na Kanyang Mga Tupa, Ito’y magiging Tinapay ng Buhay, si Jesus Cristo na siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Huwag n’yong kalimutan, pakakainin ko kayo “DOON”; hindi sa kung saang ibang lugar, “DOON.” Pagtatawanan kayo ng mga tao at sasabihin na nababaliw kayo, pero ang tinatawag nilang kabaliwan at kamangmangan, tinatawag ng Diyos na Dakila.”

Sinabi niya sa atin na ang dakilang pagmi-ministeryo na ibinigay sa kanya ng Diyos ay isang ganap na tipo ng panahon ni Elias. Matapos na papatapos na halos ang tagtuyot, tinawag Niya siya at dinala siya sa BAHAY ng isang balo hanggang sa matapos ang tagtuyot.

Sinabi niya na ang babaing balo’y hindi nakisalamuha sa mga di-mananampalataya o tumanggap ng tatak ng hayop sa panahon ng tagtuyot, kaya tinawag Niya si Elias para tustusan siya. Handa na noong mamatay ang babaing balo’t iisang munting tinapay na lang ang natitira sa kanya, isang munting bagay na lang na hawak-hawak niya.

Tinawag siya ni Elias, “Ibigay mo ’yan sa akin unang-una, dahil GANITO ANG SABI NG PANGINOON, na ang gusi ay hindi mauubusan ni ang banga ay matutuyuan, hanggang sa araw na magpadala ang Panginoong Diyos ng ulan sa lupa.”

Kinakailangang unahin ng babaing balo ang Diyos. Kinakailangan niyang manampalataya at manghawakan sa bawat Salita na sinabi ng mensahero na ’yun. Alam niya na ang mensahero at ang Mensahe nito ay siya rin. Ang Mga Salita na kanyang sinabi sa kanya ay mangyayari’t mangyayari, dahil ’yun ang Ganito Ang Sabi Ng Panginoon.

Ganoon din ito ngayon, na ang Tinapay ng Buhay na kinakain ng mga anak, ay sinusundan ang Mensahe ng Diyos, upang pakainin sila sa panahon ng tagtuyot.

Ang siya ring Salita na ’yun ay dumating sa atin at sumasa atin at tayo ay kumakain sa lihim na Mga Bagay ng Diyos na natatago mula sa mundo. Kanyang inihayag sa atin na ang Mensahe at ang mensahero ay iisa. Nakahanda ang espirituwal na Pagkain, at Ito’y nasa takdang panahon mismo ngayon.

Kayo ay muling inaanyayahan sa ISA NA NAMANG PULANG-LETRANG ARAW PARA SA NOBYA. Kukunin natin ang ating banga ng Langis, at ito’y magiging apaw-apaw. Pagkatapos tatakal tayo sa gusi ng Harina, at Ito’y punung-puno hanggang sa pinaka ibabaw. Mauupo tayo na sama-sama sa Makalangit na mga dako mula sa buong mundo, na nakukubli sa ating lihim na dako, tinatamasa ang natatagong Manna habang pinapatotohanan ng Diyos ang Kanyang Sarili sa atin.

Kayo po ay sumama sa amin sa Kawan ng tupa sa Linggo sa oras na 2:00 P.M., oras Jeffersonville, habang makikinig tayo sa mensahero ng Diyos na maghahatid sa atin ng Mensahe ng Diyos: Espirituwal Na Pagkain Sa Takdang Panahon 65-0718E.

Kami na may isang dolyar at walumpung sentimo para makapagpatayo ng isang tabernakulo, marami sa mga magtatalyer ang nagpasya na noon na magiging talyer nila ito. Ngunit nananatili pa rin itong tahanan ng tupa para sa mga Tupa ng Diyos.

Bro. Joseph Branham

Mga Kasulatan na dapat basahin

1 Mga Hari 17:1-7

Amos 3:7

Joel 2:28

Malakias 4:4

Lucas 17:30

Sn. Juan 14:12

21-0905 Nagsisikap Na Gumawa Ng Paglilingkod Sa Diyos Na Wala Sa Kalooban Ng Diyos

MENSAHE: 65-0718M Nagsisikap Na Gumawa Ng Paglilingkod Sa Diyos Na Wala Sa Kalooban Ng Diyos

PDF

BranhamTabernacle.org

Mahal kong Iglesya ng Tinig ng Diyos,

Tayo ang Kanyang Iglesya ng Tinig ng Diyos, ang Kanyang pinakamamahal na Nobyang Salita, at hindi na tayo halos makapaghintay sa pananabik na mapakinggan kung ano ang sasalitain at ihahayag ng Ama sa atin sa Linggong ito.

Nasa dulo na ng ating mga daliri ang buhay na Tinig ng Diyos. Sa isang pindot lang ng ating daliri ay mapapakinggan na nating ang Diyos na nagsasalita sa pamamagitan ng mga labi ng tao, ang Mga Salita ng buhay na Walang Hanggan. Sa isang pindot lang Siya ay nakakapangusap na sa atin at nakapaghahayag sa atin ng lahat na mga hiwaga na naitago mula nang itatag ang mundo.

Sa isang pindot lang sinasagot Niya ang anumang tanong na mayroon tayo sa ating mga puso. Sa isang pindot lang sinasabi Niya sa atin ang anumang bagay na kailangan nating malaman. Sa isang pindot lang mapapakinggan natin ang Tinig ng Diyos na nangungusap sa atin at nagbibigay sa atin ng Pananampalataya ukol sa Pag-agaw. Sa isang pindot lang ay mapapakinggan natin ang Diyos na nangungusap at nagsasabi sa atin, na kayo’y pinagaling na.

Sa panahon na sinasabi ng kaaway na hindi tayo Nobya ng Diyos, na kayo ay talunan, sa isang daliri lang na pipindutin natin ang play at mapapakinggan natin ang Ama na nangungusap sa atin at muling pinapanatag tayo, “KAYO ANG Aking piniling Nobya. Paunang itinalaga Ko na kayo bago itatag ang Sanlibutan.”

Sa panahon na sirang-sira ang loob natin at ang kaaway ay inaatake tayo sa bawat anggulo, sa isang pindot lang ay mapapakinggan natin Siya na nangungusap sa atin at sasabihin, “Magandang umaga Mga Kaibigan,” at ang kapayapaan ng Espiritu Santo’y pinupuno na ang silid.

Kapag naririnig natin ANG KAAWAY NA SINASABI na tao lang ang sinusundan n’yo at masyado kayong naglulumagi sa taong ito, sa isang pindot lang ay mapapakinggan natin ang Tinig ng Diyos na sinasabi sa atin:

Sinabi Niya sa akin na kung maibubunsod ko ang mga tao na maniwala sa akin. Kakatwa nga ang dating nun sa akin na sasabihin ito, “Naniniwala ba kayo sa akin?” Sasabihin, “Hindi ba’t sa Diyos dapat kayo sumasampalataya?” Yan ang dapat n’yong sampalatayanan. Sampalatayanan n’yo ang Diyos at sampalatayanan si Cristo, at manampalataya sa Espiritu Santo.  At pagkatapos na manampalataya sa lahat ng ito, ibig ng Diyos na maniwala kayo sa akin.

Sa panahon na pilit sinasabi sa atin ng kaaway, “Wala ’yan sa Kasulatan at mali na magtipun-tipon sa partikular na oras at makikinig lang ng teyp,” sa isang pindot lang ay mapapakinggan natin ang Tinig ng Diyos na sinasabi sa atin:

At sa iglesiang ito, at sa mga teyp, sa mga taong nagti-teyp, at ang mga taong naka-hook-up sa ilang bahagi ng bansa, nais kong pakinggan n’yo ito ng mabuti, at huwag n’yong palampasin.

Kapag sinasabi ng kaaway na sinabi ni Kapatid na Branham na manatili sa Salita, hindi sa mga teyp, sa isang pindot lang ay maririnig natin ang mismong Tinig ng Diyos na SUMISIGAW at sinasabi:

Kung kaya ganon din ang sasabihin Ko sa inyo, sa Pangalan ni Jesus Cristo: Huwag ninyong dadagdagan ng isa man ito, huwag ninyong babawasan, ilalagay ang inyong kaisipan Dito, sasabihin n’yo lamang kung ano ang sinabi sa mga teyp na iyon, gawin n’yo lamang ng tamang-tama kung ano ang sinabi ng Panginoong Diyos na iniuutos na inyong gagawin; Huwag kang magdagdag Dito!

Mangyari rin na sinasabi sa atin ng Tinig na ’yun kung papaano susuriin Ito sa Salita para hindi tayo magkamali.

Heto ang inyong limang dapat kailanganin. Kinakailangang maging ganon iyon.

  • Sa kaniyang panahon.
  • Sa kaniyang kapanahunan.
  • Ang lalaking Kaniyang pinili.
  • Kailangang dumating ito sa isang propeta.
  • Ang propeta ay kailangang maging isang pinatunayang propeta.

Si Jesus Cristo ang ating propeta.

Ang pinatunayang Salita ng panahon! Ang pinatunayang Salita sa kaarawan ni Moises ay si Jesus. Ang pinatunayang Salita sa kaarawan ni Isaias, Elias, Juan, lahat sila, ay si Jesus. At ang pinatunayang Salita sa araw na ito ay si Jesus, na siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Sa isang daliri lang ay mapipindot natin ang play at mapapakinggan natin si Jesus Cristo Mismo na nagsasabi at naghahayag sa atin:

  • Ito ang panahon,
  • Ito ang kapanahunan,
  • Ito ang lalaki na pinili Ko,
  • Ito ang Aking propeta,
  • Ang propetang ito ay pinatunayan nang higit kaysa sa iba Ko pang mga propeta.

Ngayon, hindi lang na ang Diyos ng Langit ay nangungusap sa atin, kundi Siya ay nasa kaloob-looban natin, na nananahan, at ibinubuhay ang Kanyang Buhay sa pamamagitan natin. Ito’y lampas sa ating kaunawaan.

Ihanda natin ang ating mga sarili. Nalalapit na ang oras. Nakikita na natin ang Kasulatan na natutupad na araw-araw. Ang Mensahe nga’y nababasa na parang ang balita sa araw na ito:

“Kaguluhan sa panahon, kahapisan sa gitna ng mga bansa, mga lindol sa iba’t-ibang dako, dagat na nagngangalit, puso ng tao’y nanlulupaypay sa takot.”

Kahit ang kalikasan mismo ay nangungusap sa atin sa araw na ito, habang namamalas natin ang nagbabagsakang mga bansa, ang papalubog na mundo, ang sulat-kamay ay nasa dingding na.

Namamalas natin ang Nobya at ang estadong kinaroroonan Niya. At alam natin, sa pamamagitan ng kalikasan, na naghahanda na ang Iglesia upang lumisan.

MALUWALHATI, nakahanda na tayong lumisan. Sa isang pindot lang ay maihahanda mo ang sarili mo. Inaanyayahan ko kayo na makisama sa amin sa Linggo nang 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, para pakinggan ang:  Nagsisikap Na Gumawa Ng Paglilingkod Sa Diyos Na Wala Sa Kalooban Ng Diyos 65-0718M.

Bro. Joseph Branham

Deuteronomio 4:1-4 / 4:25-26

1 Cronica 13

1 Cronica 15:15

Mga Awit 22

Sn. Marcos 7:7

Joel 2:28

Amos 3:7

Malakias 3

Sn. Mateo 11:1-15

1 Mga Taga-Corinto 13:1

21-0829 Magmakahiya

MENSAHE: 65-0711 Magmakahiya

PDF

BranhamTabernacle.org

Mahal kong Branham Tabernacle,

Tayo’y nagagalak na paunang itinalaga na Niya tayo para tayo’y pumili ng tamang simbahan na paglalagyan natin ng ating mga pamilya.

Kung pipili ako ng isang iglesya, pipiliin ko ang isang tunay, na pundamental, na Buong Ebanghelyong, maka-Bibliang iglesya, kung pipili ako ng isang pagpapasukan sa aking pamilya.

Lubos ang pasasalamat natin na nasasabi natin sa mundo kung sino ang pastor natin, at tayo’y kumikilos na gaya niya.

Kung inyong mamasdan ang pag-uugali ng iglesyang iyan, pagmasdan lang ninyo sandali ang pastor, at kadalasan matutuklasan n’yo na ang iglesyang iyon ay kumikilos na tulad nung pastor.

Lubos ang pasasalamat natin na hindi mahalaga kung nasaan mang dako tayo ng mundo, Siya’y nakikipagtagpo sa atin.

Ipinangako Niyang makikipagtagpo sa kung saan man may dalawa o tatlong nagkakatipon. Tunay nga. Diyan inilalagak ng tunay na mananampalataya ang kanyang mga pag-asa, ay diyan sa Salita ng Diyos na pinagtitibay sa Katotohanan.

Tayo’y lubos na nagagalak na sumasampalataya tayo sa Kanyang propeta, at sa bawat Salita na sinalita.

Kung naniniwala kayong propeta ako ng Diyos, makinig kayo sa sinabi ko sa inyo.

Ano ba ang ipapangaral ng Kanyang propeta?

Sadya ngang eksaktong Mensahe, na tumutugaygay dun sa Salita,

Ano ang dahilan at ipinadala siya?

“Humayo ka’t kunin ang Nobya!” Isa ’yung tungkulin. Yan ang dahilan kung kaya’t narito ako. Yan ang sinisikap kong gampanan, ang tawagin palabas ang Nobya.

Anong mangyayari kung malihis  tayo sa ating paghakbang?

At ’yun nga ang dapat kong gawin, panatilihin ang Nobya sa tamang paghakbang.

Ngayon ano ang naghihintay na mayroon ang Ama para sa Kanyang Nobya?

Ako po’y uuwi uli, ipapanauli ko ang aking mga panata uli, at magsisimula uli nang panibago.

Kaya ’yan nga ang pinaplano nating gawin, ’yan ang dahilan at napunta ako rito.

Purihin ang Panginoon, kailan natin sisimulan ang mga gawain ng pagpapanauli?

At pagkatapos, kung loobin ng Panginoon, sa susunod na Linggo ng umaga sisimulan na natin ang gawain. At lahat po kayo’y tumulong sa akin, at manalangin po, dahil narito po talaga sa puso ko na sikaping…Sabi kasi nila, “Buweno, puwede naman tayong magpunta ng Louisville o puwede rin tayong magpunta sa New Albany.” Pero ang pagtitipong ito ay para talaga sa Jeffersonville. Magpupunta’t magpupunta po ako sa Louisville at New Albany, sa alinmang pagkakataon, pero ito po’y para talaga sa Jeffersonville.

Handa na po kami Ama. Ang mga Agila Mo ay handa nang magtipun-tipon at makinig. Anong magaganap sa panahon na ’yan?

“…kailangan ko ng mas dagdag pang pananampalataya.” Yan ang dahilan kung bakit umuwi ako ngayon ang makakuha ng—ng bagong bugso ng pananampalataya.

Purihin ang Panginoon, ’yan din po ang nais namin Ama, isang bagong bugso ng PANANAMPALATAYA. Batid namin na ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, pakikinig ng iyong Salita, at ang Iyong Salita ay nanggagaling sa propeta.

Ang Mensahe na ito, ang Kapangyarihan ng Diyos na Pinaka Makapangyarihan sa lahat, ay lumaganap na sa buong mundo, pero ngayon ang panahon ng pagbubukod ay nangyayari na. Tinatawag na ng Diyos ang isang Nobya, at ang diyablo nama’y isang iglesya ang tinatawag. Tayo’y bahagi ng Mensaheng Ito, Kanyang Salita, Kanyang Nobya!

Kamit natin ang katiyakan at nalalaman natin ang sinasabi natin. Hindi natin ikinahihiya na nananampalataya tayo sa Mensaheng ito at sa Kanyang mensahero, dahil sila’y pareho. Hindi natin ikinahihiya na sabihin: “sinasampalatayanan namin ang bawat Salita”. Hindi natin ikinahihiya na sabihin: “Ipini-play namin ang mga teyp sa aming simbahan.” Hindi natin ikinahihiya na sabihin: “Kami’y Teyp People”.

Mahirap para sa atin na unawain na may mananampalataya, o fivefold na ministro, na nag-aangking naniniwala sa Mensaheng ito, at sinasabi na si Kapatid na Branham ang propeta’t mensahero ng Diyos, at pagkatapos ang paniniwala’t ang sasabihin sa mga tao’y mali at hindi naaayon sa Salita ang i-play ang pinagtibay mismong Tinig ng Diyos sa kanilang simbahan.

Tayo’y magsikap sa kapanahunan, at sa di kapanahunan; sumawata, at sumaway, at…nang may buong pagpapahinuhod at pagtuturo. Sapagka’t darating ang panahon na hindi na nila titiisin ang magaling na aral; kundi ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita…ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga guro, sa pagkakaroon nila ng kati ng tainga; At magsisibaling mula…sa katotohanan,…tungo sa mga katha.

Pagdating sa tunay, na hindi nahaluang Salita ng Diyos, pinatotohanan ng Diyos, ang pinagtibay na Tinig ng Diyos, tila nga kahihiyan Ito sa ibang grupo. Ikinahihiya nila Ito at naniniwala na Ito’y laban-sa-Salita na maging isang Teyp Church.

Pero sa atin, Ito’y realidad. Hindi natin ikinahihiya. Noong tanggapin natin ang kapahayagan na Iyon, may kung anong Bagay na naglumagak sa kalooban natin, at ngayon ay wala nang kung ano pang ibang bagay ang makahahalili sa lugar Nito. Ipinagmamalaki natin na matawag tayong Isa Sa Kanila, Isang Teyp Church, Isang Teyp Group, Teyp People.

Inaanyayahan namin kayo na makinig kasama ang Branham Tabernacle sa pagmi-ministeryong Teyp ng Diyos, Linggo nang 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, habang magtitipon tayo nang may dakilang pananabik; na ipapanauli ang ating mga taimtim na pangako muli, at magsimulang panibago, sa pamamagitan ng pakikinig sa: Magmakahiya 65-0711.

Kapatid na Joseph Branham

San Marcos 8: 34-38