22-0410 Isang Patnubay

Mensahe: 62-1014E Isang Patnubay

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Mga Pinapatnubayang Kordero,

Ang huling pakikibaka ay napipinto na. Patungo tayo sa dako na hindi pa natin natutunguhan. Tayo’y tumutugaygay sa isang ilang, at tayo’y nasa ating daan na sa kung saan, at hindi natin kayang umusad nang walang Tagapatnubay. Huwag kayong mag-alala munting kawan, ang Diyos ay naglaan ng isang Tagapatnubay para pangunahan tayo.

Ang Tagapatnubay na ito’y maghahayag ng mga bagay sa atin, at isasaysay sa atin ang mga bagay na Kanyang narinig; magagawa Niya na ulitin ang ating mga salita pabalik at sabihin kung anong sinabi natin. Dapat tayong sumunod sa Tagapatnubay na ito, dahil Siya ang tanging Isa na nakakaalam ng daan.

Noong si Jesus ay nasa lupa, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na marami pa Siyang mga bagay na sasabihin at ihahayag sa atin, kaya ipadadala Niya sa atin ang Espiritu ng katotohanan, at kanyang Papatnubayan tayo patungo sa lahat ng mga katotohanan na ito. Sinabi Niya na mapagkikilala Siya ng Kanyang Nobya yamang ihahayag Niya at patototohanan ang Kanyang Sarili nang sadyang gaya ng ginawa Niya noong pumarito Siya noon sa laman noong unang pagkakataon.

Makikilala Niya ang bawat pag-iisip na nasa puso natin. Makikilala Niya kung sino tayo at kung anong ginawa natin. Malalaman Niya ang lahat ng tungkol sa atin. Siya ang Tagapatnubay ng Diyos, ang Espiritu Santong nabubuhay at naghahayag ng Kanyang Sarili sa laman ng tao.

Gaya Mismo ng sinabi ni Jesus, “Hindi Ako ang gumagawa ng mga gawa; ito’y ang Aking Ama na nananahan sa Akin. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang Anak ay walang magagawa sa Kanyang Sarili;  kundi ang Kanya lang nakikita na ginagawa ng Ama, ay siya ring ginagawa ng Anak. Ang Ama ang gumagawa, at Ako’y gumagawa ngayon.”

Kaya gayon din na ang Kanyang anghel ay hindi magsasalita ukol sa sarili nito, bagkus kung anuman ang marinig nito, ’yun ang sasalitain nito. Tatanggapin niya ang lahat ng mga bagay na ito mula sa Ama, at pagkatapos ay ipakikita niya ang mga ito sa atin. Kanyang ihahayag ang lahat ng mga hiwaga na natago sa Salita.

Sinabi sa atin ng Ama na Siya’y magkakaroon ng ISANG TAO na rerepresenta sa Kanya rito sa lupa, na isang Tagapatnubay, at siyanga’t ang Kanyang Nobya ay maliwanag na mapagkikilala Siya at susunod.

Tanging ang Diyos lamang ang kanyang luluwalhatiin. Malinaw na sasabihin niya, hindi siya Ito, na ikapitong anghel, na Ito’y ang kahayagan ng Anak ng tao. Ito’y ang hiwaga ng Diyos na nahahayag. Hindi Ito isang tao, Ito’y ang Diyos. Hindi siya ang Anak ng tao; siya an mensahero mula sa Anak ng tao. Ang Anak ng tao ay si Cristo, na Siya ang Isa na ’yun kung saan tayo’y kumakain.

Marami ang magsasabi na sila raw ang pinahiran na ’yun na mangunguna sa Nobya, pero hindi ibig ng Diyos na kayo’y manalig sa inyong kaunawaan at sa inyong mga kaisipan, o sa anumang gawang-taong kaisipan. Ang Diyos ay nagpapadala ng isang Tagapatnubay, at ibig ng Diyos na alalahanin n’yo na ’yun ang Kanyang itinalagang Tagapatnubay.

Hindi dadalhin ng ating Tagapatnubay ang isa sa daan dito, at ’yung isa naman ay sa daan na ’yun doon at sasabihin: dapat n’yong pakinggan ang mangangaral na ito, pagkatapos kailangan n’yong pakinggan ang mangangaral naman na ’yun; ni hindi nga sila nagkakasundo sa isa’t isa. Papaano nila masasakdal kayo?

May tanging ISANG GANAP NA SALITA na magdadala sa atin at magpapanatili sa atin na sama-sama, ito ang Kanyang SAKDAL NA PINATOTOHANANG SALITANG TINIG SA TEYP.

Sinasabi nila na sa panahon ngayon ang Espiritu Santo’y pinangungunahan ang bawat isa sa atin bilang mga inidibiduwal, na totoo naman. Kung ganoon ay bakit kakailanganin n’yo ng mangangaral kung pinangungunahan kayo ng Espiritu Santo? Pakinggan n’yo ang sarili n’yo: mas pipiliin ko pa na magkaroon ng isang mangangaral na pangungunahan ako’t magtuturo sa akin at hindi ang pinagtibay na propeta ng Diyos? Mas pipiliin ko na kunin ang kanyang interpretasyon ukol sa Salita kaysa sa makinig mismo nang direkta mula sa Tinig ng Diyos Mismo dahil mas naipapaliwanag niya ito nang mas mainam?

Hindi ko kinokondena ang pagmiministeryo, o sinasabi na sila’y huwad, o sinasabi na hindi na dapat kayo makinig sa pagmiministeryo. Patawarin n’yo ako kung hindi ko nasasabi ito nang tama. Sinasabi ko lamang na hindi sila maaaring maging kahuli-huliha’t, pangwakas n’yong salita, na inyong Patnubay. Ang mga tao’y hindi magkakasundo-sundo kahit kailan. Bawat isang tao’y may ibang ideya, ibang pangunguna. Papaano ’yun makakapagsakdal sa Nobya? Kung pakikinggan n’yo silang lahat, at nalalaman na lahat sila’y hindi magkasundo-sundo sa sinasabi nila na sakdal na Salita ng Diyos, haya’t papaano ’yan makakapagsakdal sa Nobya? Papaanong ’yan ang magiging Patnubay n’yo?

Kung itatagubilin natin sa Espiritu Santo na panatilihin tayong sama-sama sa Kanyang Salita, tayo’y magkakaisa sa puso, sa isang kaisipan, sa isang paglalakip, sa pamamagitan ng isang Espiritu; ang Espiritu Santo,  ang Patnubay ng Diyos na pangungunahan tayo tungo sa buong Katotohanan. Pero kinakailangan n’yong sumunod sa inyong Tagapatnubay.

Huwag na huwag makikipagtalo sa Salita ng inyong Patnubay. Sumunod sa Kanya. Kung hindi kayo susunod, kayo ay maliligaw. At, tandaan, kapag iniwan ninyo Siya, kayo’y nag-iisa, kaya gusto nating maging malapit sa Patnubay.

Pinangungunahan tayo ng Espiritu Santo para sumunod sa Kanyang Tagapatnubay, na ang Espiritu Santo na nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang ikapitong mensaherong anghel. Hindi ito Salita ng isang tao, Ito ang Tinig ng Diyos para sa Kanyang Nobya at Ito lang ang TANGING BAGAY NA MAKASASAKDAL SA NOBYA.

Sumama kayo sa amin sa Linggo nang 12:00 P.M., oras sa Jeffersonville, sa pagpapasimula natin ng ating sanlinggo ng Pasko ng Pagkabuhay na makikinig sa ating Tagapatnubay. Kanyang pangungunahan tayo sa dako na hindi pa natin nararating noon.

62-1014E Isang Patnubay

Bro. Joseph Branham

Mga Kasulatan na kailangan basahin bago ang gawain:

Sn. Marcos 16:15-18

Sn. Juan 1:1 / 16:7-15

Mga Gawa 2:38

Mga Taga-Efeso 4:11-13  / 4: 30

Mga Hebreo 4:12

2 Pedro 1:21

Exodo 13:21