21-1121 Pagkauhaw

Mensahe:65-0919 Pagkauhaw

PDF

BranhamTabernacle.org

Minamahal na Binibining Hirang,

Ang huling dakilang pag-iisa ay magaganap sa Pag-agaw. Tinitipon ng Espiritu Santo ang Kanyang Nobya mula sa iba’t ibang sulok ng bansa; mula sa Kanlurang Baybayin hanggang sa Silangang Baybayin, mula sa Norte hanggang sa Timog, mula sa apat na sulok ng mundo.

Kanyang tinitipon tayo sa ating mga simbahan at sa ating mga tahanan sa pamamagitan ng mas mainam na wave. Mas mainam pa nga sa pagsasahimpapawid. Ito’y hook-up ng telepono. Naglalagay tayo ng receiver o mikropono, o anuman ito, sa silid, at ito’y katulad mismo na naroon ka sa loob ng silid kasama ang Kanyang propeta. Ito’y inilaang daan ng Diyos para sa panahon na ito para paglakipin at dalhin ang Kanyang Nobya na magsama-sama sa, “Ganito Ang Sabi Ng Panginoon”.

Limampu’t anim na taon ang nakararaan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang programa para tipunin ang Kanyang Nobya para makapakinig sila sa Kanya na nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang malakas na anghel nang sabay. Ibinunsod Niya ang Kanyang five-fold ministry na huminto muna sa pagmi-ministeryo at tipunin ang kanilang mga miyembro na magsama-sama, at i-setup ang hookup sa kanilang mga simbahan, dahil nais Niya na ang Kanyang Nobya’y makapakinig sa Kanyang Tinig nang sabay. Ang Kanyang dakilang plano’y nagsimula. Hindi ’yun naging posible sa nakaraang kasaysayan ng mundo. Alam ’yun ng Kanyang propeta at ikinatuwa ’yun nang lubos. Ngayon ang Diyos ay  direktang nakakapangusap na sa lahat na Kanyang Nobya nang sabay din. Lahat sila’y makapapakinig sa sarili nila, sa Diyos na nakakapangusap nang direkta sa kanila, at di na ’yun mangangailangan pa ng pagpapaliwanag.

Ngayon, ang mundo ay namamangha. Bakit ang mga tao mula sa buong palibot ng mundo, sa iba’t ibang time zone; 12:00 P.M., 2:00 P.M., 8:00 P.M., hatinggabi, ay nagtitipon nang sabay-sabay para makapakinig ng Mensahe na maaari naman nilang pakinggan anumang oras. Ano kaya ang hatak na humihila sa kanila?

Nahayag sa kanila na ito ang programa ng Diyos, ang inilaang daan ng Diyos para paglakipin sila sa espirituwal. Ito’y paghahanda mismo ng Diyos para makapangusap sa lahat na Kanyang Nobya nang sabay-sabay.

WALANG IBA kundi Tinig ng Diyos, Kanyang Salita, ang Mensahe na ito, na binigkas ng Kanyang propeta ang makagagawa nito. Walang sinuman, walang anumang ibang bagay, na ang lahat ng Nobya’y makasasang-ayon.

May magsasabi marahil, “Nakikinig naman ako sa aking pastor habang sinisipi niya at ipinapangaral ang Salita gaya ng sinabi ni Kapatid na Branham na gawin.” Purihin ang Panginoon. Napakainam n’yan at kayo’y pinagpala na magkaroon ng isang pastor na nananatili sa Salita. Siya ay tinawag para panatilihing sama-sama ang kawan at bigyan kayo at ituro kayo sa Salita, pero hindi ito ang tinutukoy ko. Kinakailangan n’yong magkaroon ng isang Pinagsasaligan, ang sukdulang pinagsasaligan na Salita. Mga Salita na LAHAT TAYO’Y MAKASASANG-AYON. Yamang tinawag at pinahiran ang isang tao, walang salita ng tao ang ganap, at walang pagmiministeryo ng sinumang tao ang makapag-iisa sa Nobya.

“Ideya mo lang ’yan at opinyon. Patunayan mo sa pamamagitan ng Salita, Brother Joseph.”

Dahil kung dalawang tao ’yan na mayroon kayo, dalawang opinyon ’yan na makukuha n’yo. At mangyaring kinakailangan talagang tumugaygay sa isa’t sukdulang pinagsasaligan, at ang pinaka saligan ko ay ang Salita, ang Biblia. At bilang isa pong pastor dito ng iglesya, ang pinaka saligan ko ay ang Salita, at gusto kong…Alam ko na kayo, na mga kapatiran natin, kayo nga’y tumitingala sa akin bilang inyong pinaka saligan sa anumang bagay…haya’t basta tumutulad ako sa Diyos gaya ng sinabi ni Pablo sa Kasulatan, “Tumulad kayo sa akin, gaya ko naman na tumutulad kay Cristo.”

Kaya, kapag ang propeta’y nagsasalita, ’yun ang Pinakasaligan para sa Nobya. Ang Kanyang Mensahe’y hindi niya salita, ni ang kanyang interpretasyon ng Salita. Ang Diyos ito na ibinibigay ang interpretasyon ng Kanyang Sariling Salita sa pamamagitan ng Kanyang tanging inilaang paraan ng paggawa: sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Kung sinasabi mo na sumasampalataya ka sa Mensaheng ito. Kung sinasabi mo na sinasampalatayanan mo ang sipi na ito. Kung sinasabi at sinasamplatayanan mo na ikaw ay Nobya ni Cristo, kung ganoon ang bagay na sinalita mismo sa teyp ay marapat lamang na iyong Pinakasaligan.

Kaya, anong makapaglalakip sa lahat na Nobya ni Cristo kundi ang ating Pinakasaligan?WALA. Ang mga teyp ang Kanyang Tinig, Kanyang Salita, ang Ating Pinakasaligan. Sinabi sa atin ng propeta na ang propeta para sa panahon ngayon ay ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo’y pumili ng ISANG tao, ISANG Tinig para ihayag ang Kanyang Salita at ang Tinig na ’yun ay lumalakip sa Kanyang Nobya sa pamamagitan ng Kanyang inilaang daan sa panahon ngayon, SA PAMAMAGITAN NG PAGPINDOT SA PLAY.

Pinagsisikapan kong lubos na manatiling tama sa Salita, para dito sa mga inilagay sa mga kamay ko para sa Diyos, sapagkat nais ng mga tupa ang pagkain na pang-tupa, siyempre. “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking Tinig.” At iyan ang bumubuhay sa atin, bawat Salita na lumalabas…Hindi lahat…Hindi lamang isang Salita ngayon at paminsan-minsan; kundi bawat Salitang lumalabas mula sa bibig ng Diyos, doon dapat mabuhay ang mga banal.

Kinakailangan nating mabuhay sa bawat Salita na lumalabas sa bibig ng Diyos. Ano ba ang pinagtibay na bibig ng Diyos para sa panahon ngayon? Ako ba? Hindi ako ang pinagtibay na ika-7 anghel na Mensahero, hindi rin ang inyong pastor o sinumang ibang tao; ang Diyos ito na ginagamit ang tinig ni WILLIAM MARRION BRANHAM.

Tayo’y hahatulan ng Mensahe na KANYANG BINIGKAS sa teyp. Hindi sa pamamagitan ng anumang interpretasyon o pangangaral na ipinangaral ng tao, kundi sa pamamagitan ng Salita SA TEYP. Tayo man ay pinahiran ng Espiritu Santo, maaari pa rin tayong magkamali. Hindi ko sinasabi na bawat ministro ay huwad o mali; tayo ay tinawag para mangaral, at magturo, at manatili sa Salita, pero ang katawagan sa amin ay ang ituro kayo SA SALITA, at ang TANGING GANAP NA PINAGTIBAY NA SALITA ay nasa Teyp.

Napakarami nga natin, bilang Nobya ni Cristo, na dapat pasalamatan.

Kung ang lahat ng mga dagat ay pupunuin ng tintang panulat,

At ang kalangitan naman ay yaong papel na paglalamnan,

Bawat tangkay sa sangkalupaan ay gawin mang panulat,

At ang bawat tao’y atasan man na pagsulat lamang ang pagtuunan;

Ang isulat yaring pagmamahal ng wala nang hihigit pang Maykapal

Ay makapagpapatuyong mainam nitong buong sangkatubigan;

Ni hindi kayang doon isulat sa balumbon ang lahat-lahat, Kahit pa banatin iunat ang buong sansinukob sa hustong sukat.

Tayo’y nakatakda nang magtamasa ng pinaka dakilang sanlinggo ng Pasasalamat sa buong buhay natin. Isang piging ng Espirituwal na Pagkain para punuin ang mga kaluluwa. Isang piging kung saan ang Nobya ay maglalakip at uupong magkakasama sa Presensya ng Araw upang mahinog.

Ang Diyos ay nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang mensahero at sinasabi sa atin:

•        Tayo ang Kanyang Binibining Hirang.

•        Ang ating mga pangalan ay nasa Aklat ng Buhay ng Cordero.

•        Wala tayong mga kasalanan.

•        Tayo’y inaring-ganap na bago pa itatag ang sanlibutan.

•        Tayo ang mga tinawag palabas at mga pinili.

•        Tayo yaong hinihintay ng buong plano ng Diyos.

•        Tayo’y dalisay, malinis, walang sala na Nobya ng Anak ng buhay na Diyos.

•        Tayo’y sakdal sa Kanyang paningin.

Wala ngang katapusan kung isusulat ang lahat ng ihahayag at gagawin ng Espiritu Santo para sa atin.

Maipagmamalaking Pasasalamat nga!!!

Nararamdaman ko na inilalagay sa aking Espiritu mula sa Panginoon na ating ihandog ang buong sanlinggo, simula itong Linggo, bilang Pasasalamat sa Panginoon.

Naka-attach dito ang isang kalendaryo ng mga araw, oras at mga Mensage na pakikinggan natin.

Gaya ng nakikita n’yo, sa Linggo ay magsasama-sama tayo sa regular nating oras ng 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, para pakinggan ang Mensahe na: Pagkauhaw 65-0919.

Lunes — Miyerkules, nais kong pakinggan natin ang 3 magkakasunod na Mensahe na ipinangaral ni Kapatid na Branham nang sunud-sunod, noong 1965. Ipo-post namin ang mga ito sa Voice Radio nang 9:00 A.M. at ulit nang 7:00 P.M., oras sa Jeffersonville.

Alam ko na mahirap para sa marami na makapakinig sa itinakdang oras dahil sa kanilang iskedyul ng trabaho o iba pang responsibilidad, pero sana’y makapakinig kayo sa isa sa mga oras na ito kasama ang inyong pamilya.

Pagkatapos sa Huwebes, sa ika-25 ng Nobyembre, nais kong magsama-sama tayo nang 2:00 P.M., oras sa Jeffersonville, para simulan ang kahanga-hanga nating katapusan nang linggo na Pasasalamat habang tayo’y makikinig uli sa hook-up ng ihahatid sa atin ng Tinig ng Diyos na unang Mensahe sa sanlinggo nating ito: Ang Hindi Nakikitang Pakikipag-Isa Ng Nobya Ni Cristo 65-1125.

Isa ngang espesyal na pagpapala para sa akin ang mapagtanto na 56 na taon na pala ang nakararaan, sa araw na ito, ang Diyos ay nangusap sa pamamagitan ng Kanyang propeta para ihatid sa atin ang seryeng ito ng mga Mensahe. 56 na taon din ito mula nang ipanganak si Kapatid na Branham noong 1909, hanggang 1965, na kanyang ipinangusap ang mga Mensaheng ito.

Anong gagawin natin kung nabalitaan natin na si Kapatid na Branham ay pupunta ng Shreveport, LA sa sanlinggong ito para dalhin ang mga Mensaheng ito? Wala…Ang ibig kong sabihin ay WALA ngang makapipigil sa atin sa pagpunta. Ang Diyos ay may plano para sa Kanyang Nobya sa araw na ito, at WALA mismong makapipigil sa atin.

Dalangin ko na ang bawat isa sa inyo ay manabik nang lubos para sa kahanga-hangang sanlinggo na magkakaroon tayo na sama-sama kasama ang Panginoon; na pinasasalamatan Siya, pinupuri Siya at sinasamba Siya para sa lahat ng Kanyang ginawa, at lahat ng gagawin pa Niya para sa bawat isa sa atin, na KANYANG BINIBINING HIRANG.

Bro. Joseph Branham